Boluntaryong isinuko ng kanyang ama ang lalaking suspek sa pamamaril sa kanyang kaklase sa loob ng campus ng Saint Paul University Philippines dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sa panayam kay PLTCOL Richard Gatan, hepe ng PNP Tuguegarao, unang nakita ng mga guard ng unibersidad na nasa loob ng kotse ang babaeng biktima kasama ang lalaking suspek, na kaklase nito sa kursong Medical Technology at kapwa residente sa City of Ilagan, Isabela na tila nag-aaway at humihingi ng tulong ang biktima.

Dahil dito ay mabilis namang lumapit ang dalawang guwardya ng unibersidad kayat dito na aniya lumabas ng kotse ang babae na kalaunan ay sinundan ng suspek at bigla na lamang siyang binaril.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang panga ang biktima na agad isinugod sa pagamutan habang mabilis namang pinatakbo ng suspek ang kanyang sasakyan palabas ng unibersidad.

Sinabi ni Gatan na nagpapatuloy rin ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang ugat ng pamamaril at matukoy kung anong uri ng baril ang ginamit nito sa krimen.

-- ADVERTISEMENT --