Tuguegarao City- Ihahatid ngayong araw sa kanilang huling hantungan ang magkapatid at ang kanilang lola na natabunan sa nangyaring landslide sa Sitio Tueg, Brgy Bitag Grande, Baggao Cagayan.
Ito ay matapos na makauwi ang ina ng dalawang biktima na si Juvelyn Pagulayan mula sa bansang Saudi Arabia.
Ikinuwento nito ang pagiging responsableng anak ni Frank Jay at Ian Philip Pagulayan.
Ayon sa ina ng mga biktima ay napilitan siyang mangibang bansa upang mapatapos sana sa pag-aaral ang kanyang mga anak lalo na si Frank Jay na nais maging pulis.
Si Ian Philip naman ay katuwang ng kanyang ama na tumutulong sa pangangalaga ng kanilang bukid.
Nauna ng inilibing ang pinsan ng magkapatid na si Kim Jim Bragasin na kasamang natabunan ng lupa matapos ang patuloy na pagbuhos ng ulan.
Ayon naman sa inang si Divina Bragasin ay sinamahan ng tatlong magpipinsan ang kanilang lola na si Virginia na ayaw lumikas at sila natabunan habang natutulog.
Nabatid na sampung kabahayan ang nasira sa lugar sa pananalasa ng nagdaang kalamidad kaya’t pansamantala ring ibinurol ang mga biktima sa gilid ng kalsada.