Patay ang tatlong pulis matapos na bumangga ang kanilang sinakyang motorsiklo sa heavy-duty truck sa Lanao del Norte kaninang madaling araw.
Ayon sa Police Regional Office 10 (PRO 10), nangyari ang insidente sa national highway sa Purok 2, Barangay Pigcarangan sa bayan ng Tubod.
Sinabi ng pulisya na sakay ang tatlong pulis sa motorsiklo mula sa Barangay Poblacion, Tubod nang makabangga nito ang isang truck na may lulan na mga furniture na papuntang Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Tumilapon ang mga nasabing pulis at nagtamo sila ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan at agad silang dinala sa ospital, subalit idineklara silang dead on arrival.
Isa sa mga biktima ay 29-anyos na lalaki na nakatalaga sa Lanao del Norte Provinciak Police Office 2nd Provincial Mobile Force Company.
Ang isa naman ay 31-anyos na nakatalaga sa Tagoloan municipal police station sa Misamis Oriental, habang ang pangatlo ay 33-anyos na nakatalaga sa Tubod Police station.
Ang driver naman ng truck ay 35-anyos na lalaki na residente ng Misamis Occidental, na nagtamo lamang ng minor injuries, at nasa kustodiya na ng Tubod municipal police.