
Kasalukuyan pang naka-confine sa Cagayan Valley Medical Center ang back rider ng isang motorsiklo matapos na magtamo ng pinsala sa katawan nang mabangga ng isang pick-up sa lungsod ng Tuguegarao kahapon ng hapon, habang ang driver ay nakalabas na ng ospital.
Sinabi ni PCapt. Rosemary Taguiam, information officer ng Tuguegarao police station, batay sa imbestigasyon, nabangga ng pick-up ang sinusundan nitong motorsiklo na bumangga naman sa isa pang sasakyan sa harapan nito.
Nagtamo ng injuries ang dalawang sakay ng motorsiklo na dinala sa pagamutan.
Sinabi ng driver ng pick-up sa pulisya na hindi umano niya napansin ang motorsiklo sa kanyang harapan kaya niya ito nabangga.
Ayon kay Taguiam, nasa impluwensiya umano ng nakalalasing na inumin ang driver ng pick-up, at ayon sa mga saksi, mabilis umano ang patakbo ng kanyang sasakyan.
Sa ngayon ay nasa kustodiya pa ng pulisya ang sangkot na sasakyan.










