
Patuloy ang palitan ng banta sa pagitan ng Estados Unidos at Iran habang hinahanap ang isang nawawalang US airman matapos pabagsakin ang isang fighter jet sa southern Iran.
Nagbabala si US President Donald Trump na posibleng lumala ang sitwasyon kung hindi makikipagkasundo ang Iran, habang iginiit naman ng panig ng Iran na maaaring madamay ang buong rehiyon kung magpapatuloy ang paglala ng tensyon kasama ang Israel.
Noong Sabado, naglunsad ang Iran ng panibagong missile attacks sa Gulf States, Iraq, at Israel, na nagdulot ng pinsala mula sa mga debris.
Samantala, patuloy ang search and rescue operations para sa nawawalang crew member ng US matapos pabagsakin ang isang F-15 jet. Nailigtas na ang piloto, ngunit hinahanap pa ang isa pang sakay. Isa pang A-10 aircraft na kasama sa rescue mission ang tinamaan ngunit ligtas ang piloto nito.
Iniulat din na patuloy ang pag-atake ng US at Israel sa mga military at energy sites ng Iran, kabilang ang paligid ng Bushehr nuclear power plant kung saan may isang nasawi.
Ayon sa International Atomic Energy Agency, walang naitalang pagtaas sa radiation ngunit nanawagan ito ng pagpigil sa mga pag-atake upang maiwasan ang nuclear aksidente.
Nagsimula ang hidwaan noong Pebrero 28 kasunod ng nabigong usapang nukleyar sa pagitan ng US at Iran.










