
Arestado ang isang tricycle driver matapos ang matagumpay na pagpapatupad ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kahapon ng hapon sa Brgy. Linao East, Tuguegarao City.
Isinilbi ang search warrant sa boarding house ng suspek na si alyas Nono, 42-anyos, tricycle driver, tubong Solana, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa Linao East.
Sa paghalughog ng mga awtoridad sa boarding house ng suspek, nadiskubre ang isang unit ng caliber .45, isang magazine ng caliber .45, at pitong bala ng nasabing baril.
Agad na dinala ang suspek sa Tuguegarao Component City Police Station para sa dokumentasyon para sa pagsasampa ng kaso.
Kaugnay nito, tiniyak ni PCOL Mardito Anguluan, director ng Cagayan Police Provincial Office ang patuloy na maigting na kampanya laban sa iligal na mga armas.