
Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tuluy-tuloy ang implementasyon ng Oplan Kontra Baha matapos pangunahan ni Sec. Vince Dizon ang inspeksyon sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sinuri ng kalihim ang Pinacanuan–Cagayan River confluence kung saan isinasagawa ang dredging operations o paglilinis at pagpapalalim sa daluyan ng tubig bilang bahagi ng proyektong naglalayong maibsan ang matagal nang problema sa pagbaha sa lungsod.
Ayon kay Dizon, nasa 60% na ang natatapos sa dredging works na bahagi ng mas malawak na flood control program ng pamahalaan.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang daloy ng tubig, mabawasan ang pag-apaw ng ilog, at mapabilis ang pagbaba ng tubig-baha sa mga panahon ng malalakas na pag-ulan, lalo na sa Tuguegarao na itinuturing na catch basin ng tubig mula sa mga kalapit na lugar.
Bukod sa inspeksyon, nakipag-ugnayan din si Sec. Dizon sa mga lokal na opisyal upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng proyekto, kasabay ng plano para sa mas malalaking flood mitigation infrastructure sa mga susunod na buwan.










