Umaasa ang ilang tricycle driver sa planong P5,000 financial aid mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang makatulong sa kanilang gastusin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa mga driver, malaking bahagi na ng kanilang arawang kita ang napupunta sa pagbili ng gasolina, dahilan upang lumiit ang kanilang naiuuwing pera sa pamilya.

Ibinahagi ni Jaime Managuit na umaabot na lamang sa P300 ang kanyang take-home income matapos ibawas ang bayad sa gasolina at boundary mula sa kanyang kinikita sa pamamasada.

Samantala, sinabi ni Joselito Santoyo, na 15 taon nang tricycle driver, na dumoble ang kanyang gastos sa gasolina mula P200 hanggang P400 kada araw dahil sa oil price hike.

Dahil sa pagtaas ng gastusin, sinabi ni Santoyo na napipilitan na ang kanyang pamilya na laktawan ang almusal at magkasya na lamang sa tanghalian at hapunan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, hindi man sigurado kung magiging sapat ang P5,000 na ayuda, makatutulong pa rin ito sa pagbili ng pagkain, gasolina, at iba pang pangangailangan sa kanilang tahanan.