Sinabi ni Office of the Vice President Assistant Secretary Lemuel Ortonio sa ika-18 araw ng impeachment trial na alam umano ni Vice President Sara Duterte ang mga aktibidad kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng OVP.

Itinuring na hostile witness si Ortonio at tinanong sa direct examination ni private prosecutor Mae Divinagracia tungkol sa proseso ng paghingi, paggastos at liquidation ng pondo.

Ayon kay Ortonio, humiling ang OVP ng P250 milyon na confidential funds noong Agosto 2022, ngunit halos isang buwan pa matapos ang request nang maisumite ang kaukulang spending plan.

Inamin din niya na sinamahan niya si OVP special disbursing officer Gina Acosta sa pag-withdraw ng P125 milyon na confidential funds sa apat na pagkakataon mula 2022 hanggang 2023.

Ayon pa sa testigo, ginamit ang confidential funds para sa mga informant na bumili umano ng gamot, pagkain, mesa, upuan at iba pang suplay.

-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag din ni Ortonio na naglabas siya ng P150,000 mula sa sarili niyang pera para kay OVP Security Officer Col. Raymund Lachica matapos humingi ito ng agarang pondo para sa operasyon.

Sa pagtatapos ng direct examination, tinanong ni Presiding Officer Chiz Escudero kung alam, nasusubaybayan, napahintulutan at inawtorisa ni Duterte ang mga hakbang kaugnay ng confidential funds mula sa paghingi nito sa DBM hanggang sa paggastos, liquidation at pagtugon sa audit observations.

Sumagot ng oo si Ortonio, batay sa kanyang nalalaman at pagkaunawa, at sinabing alam umano ng bise presidente ang mga aktibidad at kung paano ipinatutupad ang mga ito.

Samantala, tinutulan ng defense counsel na si Kristine Ferrer ang paggamit ng prosekusyon sa mga salitang “architect” at “mastermind” para kay Duterte. Pinaboran ito ni Escudero at hiniling sa prosecution na gumamit ng mas angkop na mga salita.

Hindi pa rin nagdedesisyon ang depensa kung ihaharap bilang testigo si Lachica, habang sinabi ng prosecution na handa silang magsagawa ng cross-examination sakaling ipatawag siya.