
Umabot sa mahigit P10 milyon ang over-the-counter withdrawals at check encashment na iniugnay kay Vice President Sara Duterte noong Disyembre 2024, ayon sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Sa impeachment trial, sinabi ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura na kabilang dito ang P2.371 milyon na over-the-counter withdrawal sa LandBank-San Pedro noong Disyembre 5.
Mayroon ding P1.7 milyon na check encashment sa Metrobank-Davao/Ecoland at P5.969 milyon na withdrawal sa BDO-Davao Rizal, kapwa noong Disyembre 20.
Ang mga transaksyon ay iniharap ng prosekusyon bilang bahagi ng ebidensya sa Article 2 ng impeachment case, na tumutukoy sa alegasyong unexplained wealth at kabiguan umanong maideklara nang tama ang mga ari-arian sa SALN.
Sa pagdinig, binigyang-diin din ng prosekusyon na 11 araw na lamang bago matapos ang taon nang gawin ang mga transaksyon.
Gayunman, tinanggal sa record ng Senate impeachment court ang komento ng prosekusyon na iniuugnay ang 11 araw sa naunang kontrobersiya sa paggamit ng P125 milyon confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.










