
Pormal nang nagsumite si Vice President Sara Duterte ng kanyang sagot sa impeachment complaint na inihain laban sa kanya matapos magtungo sa Senado ang kanyang legal team nitong Lunes.
Pinangunahan ni Atty. Michael Poa ang paghahain ng mga dokumento bilang tugon sa Articles of Impeachment na isinampa ng Kamara de Representantes.
Ayon kay Poa, ang pagsusumite ng sagot ay bilang pagsunod sa itinakdang proseso ng Senado bilang impeachment court.
Sa kanilang isinumiteng sagot, hiniling ng kampo ni Duterte na ibasura ang impeachment case, iginiit na may mga kakulangan umano sa konstitusyonal, procedural, at substansyal na aspeto ng reklamo.
Itinanggi rin nila ang mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment.
Binigyan ng Senado si Duterte hanggang Hunyo 1 upang magsumite ng kanyang sagot sa writ of summons kaugnay ng impeachment proceedings.










