
Wala pang inilalabas na timeline ang Department of Finance (DOF) para sa posibleng pagsuspinde o pagbawas ng excise tax sa produktong petrolyo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOF, hinihintay pa nila ang direktiba mula sa Office of the President. Kapag naglabas ng kautusan ang Pangulo, maaari itong magkabisa sa loob ng isa hanggang dalawang araw. Inaasahan namang magkakaroon ng anunsyo matapos ang pulong ng UPLIFT committee.
Ang batas na nagpapahintulot sa Pangulo na suspendihin o bawasan ang excise tax ay nilagdaan noong Marso 25. Kapag ipinatupad, tinatayang bababa ang presyo ng diesel ng humigit-kumulang P6 kada litro at P10 naman sa gasolina.
Nilinaw ng DOF na ang posibleng suspensyon ay maaaring mailapat lamang sa bagong suplay ng langis at hindi sa kasalukuyang imbentaryo sa bansa dahil sa usaping administratibo.
Gayunman, may mungkahi mula sa ilang mambabatas na magbigay na lamang ng tax credit sa mga kumpanya ng langis para maramdaman agad ang epekto ng bawas-presyo.
Patuloy pang pinag-aaralan ng DOF kung isasama ang kasalukuyang imbentaryo sa saklaw ng suspensyon, habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Pangulo.










