Itinaas na ngayon sa Yellow Warning ang rainfall advisory sa probinsya ng Cagayan bunsod ng nararanasang pagbuhos ng ulan sanhi ng bagyong Florita.
Sa panayam kay Rueli Rapsing head ng Task Force Lingkod Cagayan (TLFC), ang pagbuhos ng ulan mula sa kabundukan ay nagresulta ng pagdami ng tubig na bumababa at nagkaroon ng bahagyang pagbaha sa ilang mga kabahayan mula sa bayan ng Baggao, Gattaran at Sta Teresita.
Kasama rin sa pinasok ng tubig ang Libertad National High School sa Abulug dahil sa mga pag-ulan.
Gayonman ay sinabi niya na wala pa namang direktang epekto ang bagyo sa pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog.
Paliwanang ni Rapsing, wala pa man ang bagyong Florita ay nakakaranas na ang probinsya ng mga pag-ulan dahil sa habagat kaya’t mabilis naabot ng kalupaan ang saturation level nito at hindi na agad nasisipsip ang tubig na bumababa mula sa mga kabundukan.
Sinabi niya na kabilang ngayon sa binabantayan ng kanilang hanay ay ang Bayan ng Baggao, Alcala, Amulung, Sta. Ana, Claveria, Gonzaga, Aparri, Gattaran at Tuguegarao City na madalas makapagtala ng pagbaha kasama na ang bayan ng Sta Praxedes na madalas makaranas ng pagguho ng lupa kung may mga kalamidad.
Kaugnay nito ay naka-preposition na aniya ang lahat ng tauhan ng TLFC kasama na ng kanilang mga rescue assets and vehicles na magagamit sakaling may kailangang respondehan.
Sa ngayon ay patuloy namang naka-monitor ang TLFC sa sitwasyon at pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ka-ilogan sa Cagayan dahil maaari aniya itong tumaas kung patuloy na maranasan ang mga pag-ulan sa Apayao, Siera Madre Mountain at iba pang tributaries na maaaring makaapekto dito.
Patuloy namang pinag-iingat at pinaghahanda ang publiko upang anumang oras na maranasan ang epekto ng bagyo ay matiyak ang kaligtasan ng lahat.