
Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kailangang maging handang isauli ang bilyong pisong pondo ng bayan ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co kung nais nitong makipagdayalogo sa pamahalaan.
Ayon kay Remulla, malinaw na ipinaabot niya sa mga emisaryong umano’y kumakatawan kay Co na dapat isama sa anumang pag-uusap ang restitution, at walang saysay ang dayalogo kung walang maibabalik na pera sa gobyerno.
Sinabi ni Remulla na maaaring ikonsidera ng korte ang pagbawas ng parusa kung boluntaryong magsasauli ng pera si Co sa pamahalaan.
Hindi rin isinasara ng Ombudsman ang posibilidad na maging state witness ang dating mambabatas, kung papayagan ng proseso ng batas.










