Sinibak ang 10 pulis ng Angono, Rizal at isinailalim sila sa restrictive custody dahil sa umano’y pag-aresto sa criminology student dahil sa imbentong kaso may kaugnayan sa droga at humingi ng P100,000 para sa kanyang paglaya, ayon sa Regional Office Calabarzon (PRO 4A).

Ayon sa PRO 4A, magsasagawa sila ng sarili nilang imbestigasyon upang malaman ang pananagutan ng mga sangkot na mga pulis at matiyak na masusunod ang due process.

Nananatili ngayon sa Administrative Holding Section ng Rizal Police Provincial Office, habang nakabinbin ang resulta ng imbestigasyon laban sa mga nasabing pulis.

Nahaharap ang 10 pulis ng administrative complaint para sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer sa National Police Commission (Napolcom), na inihain ng biktima na si Nestor Makabenta Jr.

Kinilala ni Napolcom Executive Officer Rafael Calinisan ang mga nasabing pulis na isang kapitan, police chief master sergeant, dalawang master sergeants, limang staff sergeants, at isang police corporal, pawang nakatalaga sa anti-drug unit ng PNP Rizal.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos na ihain ang reklamo, sinabi ni Makabenta na inaresto siya ng mga pulis sa Angono noong Nov. 10, 2025 at ipinipilit ang kanilang bintang na bumibili siya ng droga mula sa dalawang suspek na nahuli sa nasabi ring lugar sa isang buy-bust operation, isang oras bago siya arestohin.

Ayon sa kanya, hinihingan siya ng mga pulis ng P100,000 para palayain siya, subalit tumawad siya na magbigay ng P50,000 dahil sa kailangan niya ang pera para sa buntis niyang partner.

Ipinadala ng kanyang kapatid na babae ang P50,000 sa isa sa mga nasabing pulis sa pamamagitan ng electric wallet, subalit hindi pa rin siya pinalaya hanggang sa ibasura ng Angono prosecutor’s office ang kaso laban sa kanya noong January 27.

Una rito, sinabi ni Calinisan na plano niyang irekomenda na sampahan ng criminal cases laban sa mga nasabing pulis dahil sa pagtatanim ng ebidensiya, robbery, extortion, at illegal arrest.