TUGUEGARAO CITY-Nakatali ang leeg, kamay, paa at ginahasa pa ang isang menor-de-edad na babae nang matagpuang wala ng buhay sa taniman ng maisan sa bayan ng Amulung, kaninang umaga.

Ayon kay Police Chief Master Sergeant Rey Capili, imbestigador ng kaso, agad ipinagbigay alam ng hindi na pinangalanang residente sa kapulisan ng kanyang makita ang biktima na 14-anyos na nakatali gamit ang tali ng kalabaw at walang saplot pambaba sa kanyang maisan.

Aniya, itinali ang leeg ng biktima sa isang maliit na puno ng kahoy na siyang nakikitang dahilan ng kanyang agarang kamatayan habang nakatali palikod ang kanyang mga kamay.

Nagpositibo naman sa panggagahasa ang biktima batay sa pagsusuri ng duktor na tumingin sa biktima.

Sinabi ni Capili na batay sa kanilang imbestigasyon, 8:30 ng gabi ng Oktubre 13,2019 huling nakita ang biktima sa kanilang tahanan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang buong akala umano ng mga magulang ay nakitulog ang anak sa bahay ng kanyang lola, na siyang madalas niyang tinutuluyan sa tuwing wala siya sa kanilang bahay.

Ngunit, nagulat na lamang ang kanyang mga magulang nang malaman na hindi nagtungo ang anak sa kanyang lola ng gabing iyon.

Sinubukang hanapin ng mga magulang ang anak ngunit bigo nilang makita hanggang sa mahanap sa taniman ng maisan at wala ng buhay.

Nabatid na malayo sa kabahayaan ang lugar na pinangyarihan ng insidente kung kaya’t hindi nakahingi ng tulong ang biktima.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para mahuli at mapanagot ang nasa likod ng nasabing pangyayari.