
Patay ang isang 15-anyos na estudyante matapos umanong saksakin ng kanyang kamag-aral sa Floridablanca, Pampanga.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkaroon ng alitan ang dalawang estudyante na nauwi sa suntukan habang may ginaganap na school activity.
Ayon sa pulisya, nang may umawat sa kanila, kinuha umano ng 16-anyos na suspek ang isang patalim mula sa loob ng kanyang bag at sinaksak ang biktima sa dibdib.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima upang malapatan ng lunas, ngunit kalaunan ay binawian din ito ng buhay dahil sa tinamong sugat.
Dahil kapwa menor de edad ang sangkot, ini-refer ang kaso sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Nahaharap naman sa kasong homicide ang suspek na kasalukuyang nasa isang shelter sa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na pamahalaan ng Floridablanca.










