
Bukas pa rin ang komite sa 18 indibidwal na nagpakilalang dating sundalo at nagsabing nag-deliver ng P805 bilyong kickbacks mula sa mga flood control projects sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa utos ng dating kongresista na si Elizaldy Co, ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chair Panfilo “Ping” Lacson,
Ngunit, binigyang-diin ni Lacson na kailangan munang itama ang kanilang mga pahayag upang maging kapani-paniwala.
Ipinaliwanag ni Lacson na kung ang naunang pahayag ng grupo ay pasok sa “realm of possibilities,” matagal na sana silang naimbitahan upang magsalita sa komite.
Aniya, hindi sarado ang pintuan ng Blue Ribbon Committee sa 18, ngunit kailangan malinaw at maayos ang kanilang testimonya upang hindi magulo ang pagdinig.
Tinukoy ng senador ang alegasyon ng grupo na umabot sa P805 bilyon ang kabuuang cash na umano’y naipamahagi bilang kickbacks mula sa mga flood control projects sa mga matataas na opisyal, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Lacson, mahirap paniwalaan ang nasabing halaga dahil sa laki nito at sa hirap ng paghawak at paghahatid ng ganoong kalaking pera.
Nauna nang pinayuhan ni Lacson si Atty. Levito Baligod, na nagpresenta sa 18 dating sundalo, na suriin at itama ang kanilang affidavit.
Aniya, maari nilang bawiin o baguhin ang ilang bahagi ng kanilang pahayag kung may mga detalye na hindi tama. Mahalaga, ayon sa senador, na mailapit sa realidad ang kanilang mga salaysay upang hindi masayang ang oras ng komite sa hindi totoong impormasyon.
Dagdag pa niya, kapag naitama at naging mas kapani-paniwala ang mga affidavit, handa siyang magpatawag ng pagdinig upang pakinggan ang kanilang testimonya.










