Nasawi ang dalawang menor de edad matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang Honda CR-V sa Larion Bajo, Tuguegarao City, bandang 11:20 ng gabi noong Oktubre 11, 2025.

Ayon kay PCPT. Rosemarie Taguiam ng Cagayan Police Provincial Office, bago ang aksidente ay nakita ang grupo ng mga kabataan na nakaparada ang motorsiklo at tila naghahanda para sa isang “race.”

Nang pabalik ang mga biktima, nawalan ng kontrol ang motorsiklo, tumagilid, at bumangga sa gilid ng SUV. Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang dalawang biktima sa kabilang bahagi ng kalsada.

Agad silang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Isa sa mga biktima ang nakasuot ng helmet habang ang isa ay wala, at parehong nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ligtas naman ang driver ng Honda CR-V at nagtamo ng pinsala ang sasakyan.

Lumabas din sa ulat na may babaeng kasama ang mga biktima bago ang insidente, at siya ngayon ay itinuturing na person of interest sa patuloy na imbestigasyon.

Wala pang pormal na reklamong inihahain ang pamilya ng mga nasawi.

Sinabi ng pulisya na bilang tugon, paiigtingin nila ang pagpapatupad ng curfew at mga batas ukol sa paggamit ng motorsiklo ng mga menor de edad.

Umapela rin ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang maiwasan ang ganitong trahedya.