Patay ang 31 katao at 169 ang nasugatan sa suicide bombing sa Shiite mosque sa Islamabad sa Pakistan, na itinuturing na pinakamatinding pag-atake sa kabisera buhat noong pagpapasabog sa Marriott hotel noong 2008.

Ayon sa mga opisyal, inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa may mga nagtamo ng matinding pinsala sa Imam Bargah Qasr-e-Khadijatul Kubra mosque sa Tarlai.

Punuhan ang mga moske sa Pakistan tuwing araw ng Biyernes para sa panalangin.

Ayon sa mga awtoridad, pinigil umano ang suicide bomber sa gate ng moske at pinasabog ang kanyang sarili.

Sinabi ng mga saksi, napakalakas ng pagsabog na sumira sa moske, bago pa man magsimula ang pagdarasal.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa isa pang worshipper, nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng bomber, isang kasabwat at volunteer security personnel sa moske.

Sinabi niya na sinubukan ng bomber na makalapit sa moske, subalit binaril siya ng sugatang volunteer sa likod ng kanyang hita.

Dito na pinasabog ng bomber ang bomba na nakakabit sa kanyang katawan.

Wala pang grupo ang umaako sa pag-atake.