Ligtas na ang 32 pasaherong nasugatan sa pagbaligtad ng sinasakyan nilang jeep na karamihan ay mga estudyante na papunta sana sa Tabuk City, Kalinga para sa Bodong Festival.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng 26 high school at senior high school students ng Saint Theresita’s School of Balbalan na kalahok sana sa Bodong Drum and Lyre Competition.
Ayon kay PCapt. Tyrone John Balanay, hepe ng PNP- Balbalan, nawalan ng preno ang driver nang makarating sa pababang bahagi ng lansangan sa Sitio Saleng, Brgy. Balantoy, Balbalan.
Nagpasya umanong ibangga ng driver ang jeep sa gilid ng bundok na dahilan ng pagbaligtad nito, sa halip na sa kabila na bangin.
Sa ngayon ay nakalabas na ang ilan sa mga biktima na isinugod sa Kalinga Provincial Hospital habang nasa stable na rin ang kalagayan ng dalawang pasaherong inilipat sa pagamutan sa Tuguegarao City at Tabuk City dahil sa tinamong head injury.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente at posibleng maharap sa kaukulang kaso ang driver ng jeep ngunit posible naman aniyang ayusin ito ng mga elders sa pamamagitan ng peace pact o Bodong.