Patay ang isang 40-anyos na public information officer ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Sur matapos barilin ng kanyang kainuman sa isang beach resort sa Barangay Ambulon, Vincenzo Sagun.
Kinilala ang biktima na si Jesreel Gaspar Himang, na nagtamo ng apat na tama ng bala.
Nasugatan din sa insidente ang isang 24-anyos na babae.
Naaresto ng pulisya ang 29-anyos na suspek na residente ng Midsalip, Zamboanga del Sur.
Hindi na ito nakatakas at nahuli malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Base sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek habang nag-iinuman.
Sa kainitan ng diskusyon, bumunot ng baril ang suspek at binaril ang biktima.
Ayon sa pulisya, ang mabilis na pagresponde ay resulta ng isinagawang simulation exercises sa rehiyon, na layuning maabot ang limang minutong response time.
Nagpahayag ng pakikiramay ang pamahalaang panlalawigan sa pamilya ng biktima at kinilala ang kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko.