Nasawi ang isang 41-anyos na motorcycle rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang Asian Utility Vehicle (AUV) sa kahabaan ng Felix Avenue sa Cainta, Rizal nitong Linggo ng madaling araw.

Batay sa CCTV footage, lumiliko pakaliwa ang AUV papasok sa isang subdivision nang salpukin ito ng motorsiklo na paparating mula sa kabilang direksyon.

Dahil sa bilis ng takbo, tumilapon ang biktima at bumagsak sa kalsada, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana sa Antipolo ang rider matapos maglaro ng basketball sa Cainta.

Samantala, ang 57-anyos na drayber ng AUV ay papunta naman upang sunduin ang mga kaanak na dadalo sa isang lamay sa probinsya.

-- ADVERTISEMENT --

Hawak na ngayon ng pulisya ang drayber ng AUV na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property.