Iniulat ng civil defense agency ng Gaza na 46 katao ang nasawi nitong Martes habang naghihintay ng tulong sa gitna ng patuloy na opensiba ng Israel sa Palestinian territory.
Ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Mahmud Bassal, 21 ang napatay at humigit-kumulang 150 ang nasugatan sa isang insidente ng pamamaril sa central Gaza, habang 25 pa ang napatay sa hiwalay na insidente sa southern Gaza.
Binatikos naman ng mga grupo ng karapatang pantao at ng United Nations ang sistema ng pamamahagi ng pagkain na sinusuportahan ng US at Israel sa Gaza, na pinalitan ang mga ahensiyang UN sa pamumudmod ng ayuda.
Ayon kay Thameen Al-Kheetan, tagapagsalita ng UN human rights office, ang paggamit sa pagkain bilang sandata laban sa mga sibilyan ay maituturing na krimen ng digmaan.
Mula pa noong katapusan ng Mayo, iniulat ng health ministry ng Gaza na hindi bababa sa 516 katao ang napatay at halos 3,800 ang nasugatan habang sinusubukang kumuha ng rasyon.
Lalong pinapalala ng kagutuman at kakulangan sa ayuda ang kalagayan ng higit dalawang milyong residente ng Gaza, ayon sa mga human rights groups.
Samantala, kasabay ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran, nanawagan naman ang mga kaanak ng mga bihag at mga lider ng oposisyon sa Israel na isama na rin ang Gaza sa tigil-putukan.
Ayon kay opposition leader Yair Lapid, panahon na para ibalik ang mga bihag at wakasan ang digmaan.