Tuguegarao City- Kinumpirma ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) Baggao na ginahasa ng kapwa menor de edad ang walong taong gulang na bata sa Baggao, Cagayan.
Sa panayam kay PEMSGT Glenda Geron, WCPD Chief ng PNP Baggao, nakikipaglaro umano ang hindi na pinangalanang biktima nang pinilit itong dalhin ng 15-anyos na suspek sa maisan.
Aniya ay sinubukan pa ng biktima na magpumiglas ngunit hinila ito ng sapilitan sa naturang lugar na pinangyarihan ng panggagahasa.
Sinabi pa ni Geron na nakita ng tatay ng biktima ang kanyang anak sa gitna ng maisan.
Nang tawagin ng ama ang anak ay dito na sumigaw at humihingi ng tulong ang bata habang agad namang tumakbo ang suspek.
Kaugnay nito, agad na nagreport ang tatay ng biktima sa pulisya kasama ang barangay official kaya’t agad na nahuli ang suspek.
Batay naman sa pagsusuri ng mga doktor ay positibo sa pagkakagahasa ang biktima.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ang suspek na nakatakdang isailalim sa inquest proceedings.
Nabatid na ang biktima ay isang mag-aaral habang ang suspek ay out of school youth.