
Nailigtas ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang walong kabataang edad 15 matapos madiskubre ang umano’y pagkakahikayat sa kanila sa mararahas na gawain sa pamamagitan ng online platforms.
Ayon kay ACG Director Brig. Gen. Wilson Asueta, pito sa mga menor de edad ay mula Laguna at isa sa Marikina.
Nabatid na nakitaan ang mga ito ng indikasyon ng planong pagsunog ng paaralan, ngunit naagapan ito bago pa sila makakuha ng armas.
Isinagawa ang rescue sa tulong ng mga magulang, guro, barangay, at social workers, kung saan sumailalim sa intervention ang mga bata.
Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula sa online gaming ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga hindi kilalang indibidwal na kalauna’y nag-udyok sa kanila na manood ng mararahas na content.
Patuloy ang paalala ng pulisya sa mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak upang maiwasan ang ganitong insidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ACG sa mga internet service providers upang mapa take down ang mga mapanganib na online content.










