
Isasama na sa nire-rebisang membership form ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang health proxy na maaaring gumawa ng medical decisions para sa isang miyembro sa oras na hindi ito makapagdesisyon para sa sarili.
Ayon kay Joseph Lachica, vice president ng PhilHealth Member Management Group, isinasagawa na ang internal review sa bagong PhilHealth Member Registration Form o PMRF at target itong ilabas bago matapos ang buwan.
Ang health proxy ay bahagi ng inisyatiba ng Akbayan party-list na kumikilala sa karapatan ng queer couples, solo parents at iba pang non-traditional families na makagawa ng mahahalagang desisyong medikal para sa kanilang partner o kapamilya.
Samantala, sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na target ng Department of Health na maglabas ng memo tungkol sa pagkilala sa health proxies sa loob ng taon.










