Iginiit ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ginagawa niya ang tama para sa bansa sa pagpapatuloy ng kanyang kampanya laban sa korapsyon, kasunod ng pahayag nina Senators Alan Peter at Pia Cayetano na nakatatanggap umano ng banta ang ilang miyembro ng minority bloc.

Sa isang post sa X, sinabi ni Lacson na kung nakatatakot umano sa mga tiwaling opisyal ang kanyang laban kontra korapsyon, nangangahulugan lamang itong may ginagawa siyang tama para sa bayan.

Nabanggit sa pahayag ni Lacson si Alan Peter Cayetano, na dati niyang iniugnay sa umano’y maanomalyang infrastructure projects sa Taguig City. Nagsagawa na rin si Lacson at ang kanyang staff ng pagsusumite ng hindi bababa sa 45 case studies sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y sistematikong anomalya sa mga flood control project.

Samantala, sinabi ni Alan Peter na tila malinaw umano na may mga banta laban sa mga opposition senator, at partikular niyang binanggit si Lacson. Itinanggi naman ni Lacson na sinabi niyang dapat matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte pagsapit ng Disyembre.

Ayon kay Lacson, wala siyang kapangyarihan o impluwensya para diktahan ang magiging timeline ng impeachment proceedings. Patuloy naman ang fact-finding investigation ng Ombudsman sa mga alegasyong anomalya sa mga flood control project.

-- ADVERTISEMENT --