
Nagkataon lamang ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) habang nagpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang planong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa kaso ni Sara.
Sinabi ni Adiong na nagkataon lang talaga na may sarili umanong iskedyul ang ICC at hindi ito maaaring diktahan kung kailan magsasagawa ng pagdinig.
Personal na humarap si Duterte sa ICC habang naghahanda ang korte para sa paglilitis sa kanya kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kinalaman sa mga alegasyong pagpatay sa kampanya kontra iligal na droga.
Itinanggi rin ni Adiong na natabunan ng pagharap ni Duterte sa ICC ang impeachment trial ni VP Sara. Aniya, marami pa ring Pilipino ang sumusubaybay sa paglilitis sa Senado.
Magkahiwalay ang kaso nina ex-PRRD at VP Sara at nagpapatuloy ang mga ito sa kani-kanilang proseso.










