Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mas mahigpit na hakbang para mapalakas ang seguridad sa mga paaralan, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat maging normal na bahagi ng buhay ng mga batang Pilipino ang pamamaril sa loob ng paaralan at dapat silang makapag-aral nang walang takot.

Iniutos din ni Marcos ang masusing imbestigasyon, kabilang ang pagtukoy kung paano nakakuha at nakapagdala ng baril ang isang menor de edad sa loob ng paaralan.

Inatasan naman niya ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na magsumite ng ulat sa mga hakbang na ipinatupad nila matapos ang mga naunang insidente ng school shooting.

Ayon sa Pangulo, ikatlo na itong nakamamatay na pamamaril sa loob ng paaralan sa nakalipas na tatlong buwan, matapos ang mga naunang insidente sa Tacloban at Zamboanga.

-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak din ng Pangulo ang tulong medikal para sa mga nasugatan at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi.