Malaking progreso ang nakamit ng Pilipinas at Canada sa negosasyon para sa isang free trade agreement o FTA, matapos maresolba ang mga pangunahing hadlang sa ikaapat na round ng pag-uusap.

Ayon kay Trade Undersecretary Allan Gepty, iilan na lamang ang natitirang isyu na kailangang pag-usapan at target na matapos ang kasunduan bago matapos ang taon.

Isinagawa ang ikaapat at huling full round ng negosasyon sa Toronto mula Setyembre 8 hanggang 11, kung saan tinalakay ang market access at iba pang probisyon ng kasunduan.

Kabilang sa naging hamon ang market access para sa mga produktong agrikultural, na itinuturing na sensitibong usapin sa naturang negosasyon.

Nagsimula ang negosasyon ng Pilipinas at Canada noong Pebrero at sakop nito ang kalakalan ng produkto at serbisyo, investment, business mobility, intellectual property at mga probisyon laban sa katiwalian.

-- ADVERTISEMENT --

Kapag natapos, ito ang magiging kauna-unahang bilateral free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa North America.