
Nanindigan si Vice President Sara Duterte na hindi niya kilala at hindi siya kailanman tumanggap ng pera mula kay Rodulfo Gracioso Jr., ang dating pulis na nagsasabing naghatid sa kanya ng mga maletang naglalaman ng pera.
Sinabi ni Gracioso na mahigit 20 beses siyang naghatid ng cash at iba pang regalo kay VP Sara sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, na tinatayang aabot sa mahigit P2 billion.
Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang mga alegasyon.
Ayon kay VP Sara, hinihintay na ng kanyang mga abogado ang official copy ng affidavit ni Gracioso mula sa NBI upang makapaghanda ng mga kasong isasampa laban dito.
Tinawag din ng Bise Presidente na kasinungalingan ang testimonya ni Gracioso at inihalintulad ito sa mga naunang alegasyon ni Ramil Madriaga.
Iginiit pa ni VP Sara na isa lamang itong “media stunt” upang buhayin umano ang humihinang impeachment case laban sa kanya.
Inakusahan din niya ang Marcos administration na desperadong pabagsakin siya, mula nang isulong ang Charter Change, at pigilan umano ang 2028 elections at manatili sa kapangyarihan.
Muli namang nanawagan si VP Sara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa public drug test at sagutin ang mga isyu kaugnay ng flood control projects.










