
Binawi ng Sangguniang Panlungsod ng Tuguegarao ang naunang resolusyon na nag-accredit sa Kapisanan ng mga Tricycle Operators and Drivers Association o KATODA bilang Civil Society Organization o CSO sa lungsod.
Sa regular session ng konseho, iniharap ni Councilor Aldous Baccay, chairman ng Committee on Laws, Rules and Ethics, ang rekomendasyon matapos ang committee hearing.
Ayon kay Baccay, binawi ang accreditation matapos mabigong magsumite ang grupo ng affidavit na magpapatunay na iisa lamang ang Federation of Tricycle Operators and Drivers Association o FETODA at ang bagong rehistradong KATODA.
Matatandaang kinuwestiyon ni Mayor Maila Ting-Que ang bagong SEC registration ng KATODA, gayung mayroon nang registration ang organisasyon mula pa noong 2003 sa ilalim ng pangalang FETODA.
Ayon kay Baccay, ginamit noon sa accreditation ang mga dokumento at aktibidad ng FETODA matapos sabihin ng mga opisyal na iisa lamang ang dalawang pangalan.
Pinayuhan silang magsumite ng affidavit, ngunit hindi ito naisagawa at napagdesisyunan nilang panatilihin ang pangalang FETODA.
Samantala, humingi ang konseho ng paglilinaw sa DILG Central Office hinggil sa guidelines sa accreditation ng mga CSO at nakatakdang bumuo ng ordinansa para sa mas malinaw at pare-parehong proseso.
Giit ni Baccay, walang palakasan sa accreditation at layunin ng konseho na mas maraming lehitimong CSO ang makalahok sa City Development Council.










