
Sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na tila masyadong nakatuon sa teknikal at maliliit na detalye ang cross-examination ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos ang pagtatanong ng defense counsel Robert Narvasa kay PhilGEPS Division Chief Rendell Sopeña, na testigo ng prosekusyon sa Article II o alegasyon ng unexplained wealth.
Ayon kay Lacson, maaaring layunin ng depensa na makalikha ng kahit maliit na pagdududa upang palabasing kailangang maabot ang “beyond reasonable doubt” na pamantayan sa impeachment case.
Ipinaliwanag ni Lacson na iba ang impeachment proceedings sa criminal case pagdating sa pamantayan para sa conviction.
Samantala, paulit-ulit na tinutulan ng lead prosecutor na si Batangas Rep. Gerville Luistro ang ilang tanong ni Narvasa tungkol sa bidding process, dahil repository lamang umano ng government contracts ang PhilGEPS at wala itong mandato na mangasiwa sa bidding.










