
Sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi siya boluntaryong magbibitiw sa puwesto, ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Paolo Panelo.
Ayon kay Panelo, mananatili si Duterte sa puwesto dahil siya ay inihalal at pinagkatiwalaan ng mga botante. Tiniyak din niyang tuloy ang plano ng bise presidente na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Samantala, itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon ni dating pulis Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid umano siya ng mga maleta ng pera sa bise presidente at sa ilang miyembro ng pamilya Duterte.
Tinawag ni Panelo si Gracioso na “Madriaga 2.0,” at sinabing hinihintay pa nila ang sinumpaang salaysay nito para masuri ang mga detalye, kabilang ang mga petsa at lugar na binanggit.
Iginiit din ni Panelo na may seryosong pangamba si Duterte sa umano’y plano ng administrasyong Marcos na amyendahan ang Saligang Batas at pahabain ang termino ng pangulo. Ayon sa kanya, posibleng gamitin ang pagbabago sa mga panuntunan ng impeachment bilang hakbang para isulong ang Charter change.










