Nasa 30 Pilipino, karamihan ay mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga dependent, ang stranded sa Riyadh, Saudi Arabia kasunod ng pag-atake sa King Khalid International Airport noong Oktubre 10.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, 20 sa mga stranded na Pilipino ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga hotel na sagot ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Pito naman ang sinundo ng kanilang mga kamag-anak, dalawa ang mga seafarer na nasa transit at nanunuluyan sa hotel na sagot ng airline, habang isa ang sinundo ng kaniyang employer.

Samantala, tinutulungan din ng pamahalaan ang 94 na Pilipino na ang mga flight patungong Riyadh ay inililihis sa Jeddah habang hinihintay ang pagpapatuloy ng mga biyahe.

Sa Maynila, 37 OFW naman ang humingi ng tulong para sa pansamantalang matutuluyan o pamasahe pauwi sa kanilang mga tahanan matapos makansela ang kanilang mga flight.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang iniulat na apat na Pilipino ang nasugatan sa pag-atake, kabilang ang tatlong isinailalim sa intensive care unit ng ospital.