
Kinuwestiyon ni Senator Panfilo Lacson ang motibo ng tatlong minority senator-members ng Senate Electoral Tribunal (SET) na bumoto pabor sa mosyong naglalayong patalsikin si Senator Erwin Tulfo sa puwesto.
Kabilang sa mga ito sina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla at Camille Villar, na sumuporta sa mosyon para muling pag-isipan ang naunang desisyon kaugnay ng petisyong quo warranto laban kay Tulfo.
Ayon kay Lacson, posibleng may mas malalim na dahilan sa likod ng kanilang naging boto, bukod sa personal na usapin laban kay Tulfo.
Gayunman, ibinasura ng SET sa botong 6-3 ang mosyon na inihain ni Berteni Causing dahil huli itong naihain at hindi nasunod ang mga itinakdang tuntunin sa paghahain ng petisyon.
Nauna nang ibinasura ang orihinal na petisyon dahil sa kakulangan sa pormal na rekisito. Kabilang sa mga isyung inilahad dito ang citizenship ni Tulfo, umano’y pagkakasangkot sa political dynasty at kakulangan sa akademikong kwalipikasyon.









