Umabante sa second round ng Ningbo Open sa China si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala matapos talunin si Diane Parry ng France sa straight sets, 6-3, 6-1, nitong Lunes, Oktubre 19.

Ito ang unang panalo ni Eala sa kasalukuyang Asian swing matapos ang maagang pagkakatanggal niya sa mga torneo sa Singapore at Wuhan.

Naging dikit ang unang set nang magtabla sa 3-3 ang dalawang manlalaro, ngunit sunod na nakuha ni Eala ang tatlong laro upang maselyuhan ang set, 6-3.

Nadomina naman ng Pinay tennis star ang ikalawang set matapos kunin ang unang apat na laro. Bagama’t nakabawi ng isang laro si Parry, muling nagpakita ng kontrol si Eala upang tuluyang makuha ang panalo, 6-1.

Sa post-match interview, nagpasalamat si Eala sa suporta ng mga Pilipino at sinabing nakatulong ito upang maging masaya ang kaniyang paglalaro kahit sa mahihirap na sandali.

-- ADVERTISEMENT --

Sa susunod na round, makakaharap ni Eala ang mananalo sa laban nina Yulia Putintseva at Diana Shnaider.