
Sinibak sa puwesto ang apat na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto at pangingikil sa mga kontratista.
Kabilang sa mga tinanggal sina MIMAROPA Assistant Regional Director Engr. Richard Ragasa, Davao 3rd District OIC-District Engineer Engr. Lilibeth Sarmiento, at Davao City Section Chief Engr. Roberto Mamaril.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng National Bureau of Investigation na sampahan ng kaso ang mga opisyal kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga maanomalyang flood control project ng contractor na Genesis88 sa Davao City noong sila ay nakatalaga sa Davao City District Engineering Office.
Sinibak din si Cebu 4th District Construction Chief Engr. Renato J. Catingub matapos makatanggap ng mga ulat ng umano’y pangingikil sa mga kontratista.
Bahagi ito ng hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga sangkot sa mga iregularidad sa mga proyekto ng DPWH at maibalik ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.










