Dekada na raw na may umiiral na flood control master plan ang Pilipinas, ngunit ngayon lamang ito pormal na naipatutupad ng pamahalaan.

Ito ang binigyang-linaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng mga katanungan ukol sa mga hakbang ng gobyerno laban sa nararanasang malawakang pagbaha sa bansa.

Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, kasalukuyan nang ina-update ng DPWH ang mga lumang master plan mula pa noong dekada trenta at kwarenta.

Nakahanda na rin daw ang updated master plans at feasibility studies para sa mga major river basins sa bansa, habang target namang matapos ngayong 2026 ang para sa Cagayan at Pasig-Marikina-Laguna Bay River Basins.

Sinabi pa ni Castro na nararamdaman naman daw ng Pangulo ang galit ng publiko sa gitna ng perwisyo ng pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Malacañang na bunsod ito ng apat na dekadang kapabayaan sa mga nakaraang administrasyon, bukod pa sa mas pinalalalang epekto ng climate change.

Tiniyak naman ng Palasyo na bagamat nakatutok ang gobyerno sa mga solusyon, hindi rin naman daw palalampasin ang mga mapapatunayang may pagkukulang sa mga lumang proyekto.