
Kinuwestiyon ni House lead prosecutor Gerville Luistro ang pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na nagmamay-ari siya ng Jollibee franchise sa pamamagitan ng GenCorp. Industries, Inc., na idineklara niyang business interest sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) noong 2022 at 2023.
Ayon kay Luistro, sariling deklarasyon ni Duterte sa kanyang SALN ang nagsasaad na shareholder siya ng GenCorp., kaya dapat niyang ipaliwanag sa impeachment court kung bakit niya itinatanggi ang pagmamay-ari ng franchise.
Giit ni Luistro, hindi kailanman kinuwestiyon ni Duterte ang kanyang mga deklarasyon sa SALN. Aniya, kung igigiit ng bise presidente na hindi nangangahulugan ng pagmamay-ari ng franchise ang pagkakaroon ng shares sa kumpanya, dapat niya itong linawin sa korte.
Ang pagmamay-ari ni Duterte sa GenCorp. ay kabilang sa mga usapin sa kasong unexplained wealth laban sa kanya sa impeachment court.
Nauna nang sinabi ng prosecution witness na si Alex Cabrera, isang abogado at forensic financial analyst, na ang umano’y hindi pagdedeklara sa mga asset mula sa shareholding ni Duterte sa GenCorp. ay bahagi ng tinatayang ₱817 milyon hanggang ₱1.5 bilyong unexplained wealth ng bise presidente.
Hinimok ni Luistro si Duterte na direktang sagutin ang mga usapin sa kanyang SALN sa harap ng impeachment court upang maisaalang-alang ang kanyang paliwanag sa paglilitis.










