
Pinalaya ng Russia ang 74-anyos na Amerikanong si Stephen Hubbard, na nakulong dahil sa umano’y pakikipaglaban para sa Ukraine.
Ayon kay Russian President Vladimir Putin, dinala na si Hubbard sa Pulkovo Airport nitong Miyerkules habang nakikipagpulong siya kay Steve Witkoff, sugo ni US President Donald Trump, sa St. Petersburg.
Sinabi naman ni Trump na pauwi na si Hubbard at walang naganap na palitan ng mga bilanggo. Aniya, personal niyang hiniling kay Putin noong nakaraang linggo ang pagpapalaya sa dating guro.
Noong 2024, hinatulan si Hubbard ng halos pitong taong pagkakakulong matapos siyang akusahan na nagsilbi sa isang yunit ng depensa sa Izyum, Ukraine, kung saan siya nahuli ng mga puwersang Ruso noong 2022.
Nauna nang itinuring ng US State Department si Hubbard bilang isang Amerikanong maling pagkakakulong sa ibang bansa.









