Dinepensahan ng Malacañang ang pagtalaga nito sa isang Gen Z ‘jet-setter’ bilang katiwala sa komisyon ng urban poor matapos punahin at almahan ito ng publiko.

Nitong Lunes, nanumpa sa katungkulan si Zofia Canlas bilang bagong komisyoner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) — isang posisyong nangangalaga sa isyu ng pagkain at pabahay sa nasabing sektor.

Umani ito ng sari-saring reaksiyon mula sa publiko kung saan pinuna ng mga netizen ang mga litrato ni Canlas na nagpapakita ng pamumuhay nito ng marangya sa mga pagsuot nito ng designer brands at pagbabakasyon sa Europe at United States.

Ani Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, hindi na bago kay Canlas ang nasabing tungkulin.

Dagdag pa nito, hindi aniya basta-basta nagtatalaga ang presidente nang naayon sa sosyo-ekonomikong katauyan ng isang tao.

-- ADVERTISEMENT --

“Kung ikaw ay may kakayanan na magtrabaho, magsilbi para sa bayan, iyan po ang Numero Uno para sa pangulo — ang totoo at dedikado, may dedikasyon na makapagsilbi sa bayan,” saad ni Castro.

Samantala, nagpaabot naman ng sentimyento ang youth group na Akbayan Youth hinggil sa pagpuwesto kay Canlas sa nasabing position.

“Congrats, Commissioner! Ang bilis ng akyat mo. Nagtapos ka ng Biology noong 2024, at ngayon ikaw na ang mukha ng ahensyang dapat ay boses ng mga pinapalayas sa sarili nilang tahanan. Samantalang ang community leaders na ilang dekada nang nilalamon ng demolisyon, ni upuan sa waiting area, hindi mabigyan,” sulat nito sa isang pahayag.

Nagtapos sa De La Salle University Manila ang 27 na taong gulang na si Canlas nitong 2024. Tumakbo rin siya bilang nominee sa ilalim ng Batang Quiapo party-list noong 2025 midterm elections bago ito maging chief-of-staff ng PCUP noong July ng taong iyon.

Batay pa sa website ng Office of the President, nagsisilbi bilang assistant secretary sa ilalim ng Office of the Executive Secretary ang kaniyang ama na si Jose Marcell Canlas.

“Hindi kami tumatanggap ng panibagong nepo baby. Hindi ngayon, hindi bukas, at hindi kailanman sa upuang para sa tunay na mahihirap,” giit ng grupo.

Para sa kasalukuyang taon, P250 milyon ang nakalaang budget para sa komisyon kung saan P89.35 milyon ay mapupunta sa pagpapasweldo ng 163 nitong tauhan, kabilang ang P8 milyon na pagpapasweldo sa apat nitong komisyoner habang P2.5 milyon naman para sa taunang pagpapasweldo para sa chairperson nito.