
Namahagi ng 86 na family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga pamilyang nagsagawa ng pre-emptive evacuation sa bayan ng Calayan, Cagayan dahil sa epekto ng Bagyong Rosal.
Sa datos ng DSWD, 27 food packs ang ipinamahagi sa mga lumikas mula sa Barangay Centro 2, 13 sa Naguilian at 46 sa Balatubat sa Camiguin Island.
Ayon sa ahensiya, layunin nitong matiyak ang suplay ng pagkain ng mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center habang patuloy na minomonitor ang kanilang kalagayan.
Samantala, patuloy na nakararanas ng malalakas na alon ang Calayan Island kaya nagsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga baybaying barangay na posibleng maapektuhan ng storm surge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kay Jeo Robert Arirao ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO-Calayan, kabilang sa mga lugar na nagsagawa ng paglilikas ang Barangay Centro 2, Dibay, Dilam, Balatubat at Naguilian, kabilang ang mga residente sa Camiguin Island.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga evacuee sa mga paaralan at barangay hall.
Ayon kay Arirao, wala pa silang natatanggap na ulat ng mga nasira o naanod na bangka, gayundin ng mga turistang na-stranded sa mismong Calayan Island.
Nauna nang nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang ahensiya upang mailipat sa mas ligtas at mataas na lugar ang mga bangka ng mga mangingisda, habang pansamantalang sumilong sa Aparri at Claveria ang mga passenger boat.
Samantala, maaga ring naghanda ang mga guro, magulang at iba pang stakeholder ng Babuyan Claro Integrated School sa posibleng epekto ng Super Typhoon Rosal.
Sa panayam kay School Principal Bernie Nunez, sinabi nitong nagtulungan ang mga magulang at iba pang stakeholder sa pagsasaayos ng paaralan at pagliligpit ng mga temporary learning shelter upang maprotektahan ang mga ito sa posibleng pinsala ng bagyo.
Batay naman sa pag-iikot ng punong-guro, nakaranas ng malakas na hangin at daluyong ang Babuyan Claro.
Nakatulong din umano ang karanasan ng mga residente sa Super Typhoon Nando noong nakaraang taon upang mas maaga silang makapaghanda sa panibagong bagyo.
Gayunman, nananatiling problema ng paaralan ang kakulangan ng mga silid-aralan matapos masira ang ilang pasilidad noong nakaraang bagyo.
Dahil dito, pinaghahatiang gamitin ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya ang mga natitirang silid-aralan.
Alas-sais ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali ang klase ng mga elementarya, habang umaabot naman hanggang alas-sais ng gabi ang pasok ng mga estudyante sa sekondarya.
Dahil dito, nanawagan si Nunez sa mga kinauukulang ahensiya at sa pambansang pamahalaan na tulungan silang maisaayos ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad na nasira noong nakaraang bagyo.
Samantala, patuloy na binabantayan ng Coast Guard District North Eastern Luzon ang kondisyon ng mga baybaying lugar sa kanilang nasasakupan upang matukoy ang mga posibleng panganib at matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mga biyaheng pandagat.
Pinapayuhan naman ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa mga baybaying lugar, na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad at iwasang pumalaot o bumiyahe habang masama ang lagay ng panahon at malalakas ang mga alon.










