
Pinataob ng Barangay Ginebra ang San Miguel Beermen, 104-95, sa unang laro ng kanilang best-of-five quarterfinal series sa PBA Season 50 Governors’ Cup nitong Martes sa Smart Araneta Coliseum.
Nanguna si import Jordan Murphy sa Gin Kings matapos magtala ng 29 puntos, 11 rebounds at apat na blocks. Nag-ambag naman si Scottie Thompson ng 17 puntos at 11 rebounds, habang may 16 puntos si RJ Abarrientos at 14 si Isaac Go.
Mula sa manipis na 76-70 kalamangan sa pagtatapos ng third quarter, lumayo ang Ginebra sa iskor na 94-74 matapos ang 18-4 run sa pangunguna nina Murphy, Ralph Cu at Troy Rosario.
Sinubukan pang humabol ng San Miguel, ngunit napigilan ng Ginebra ang kanilang mga atake upang makuha ang unang panalo sa serye.
Naging susi sa panalo ang depensa ng Gin Kings, na naglimita sa Beermen sa 95 puntos lamang, malayo sa kanilang average na 121.4 puntos kada laro noong elimination round.
Nahirapan din si San Miguel import George King, na nagtapos sa 20 puntos, habang tatlong puntos lamang ang naitala ni June Mar Fajardo sa loob ng 36 minutong paglalaro.









