
Muling pinagtibay ng Estados Unidos ang suporta nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa karagatan sa Timog-Silangang Asya sa ginanap na 2026 ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) Informal Meeting sa Cebu.
Pinasalamatan ni US Secretary of War Pete Hegseth si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa aniya’y epektibong pamumuno ng Pilipinas bilang chairperson ng ADMM-Plus sa nakalipas na taon.
Binigyang-diin ni Hegseth ang layunin ng administrasyong Trump na magkaroon ng mas ligtas at maunlad na rehiyong Indo-Pacific sa pamamagitan ng pamamaraang “strong, quiet, and clear.” Layunin nitong mapigilan ang mga banta at pananakot sa rehiyon nang hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang tensyon.
Inihayag din ni Hegseth ang panukalang pagbuo ng US-ASEAN Framework for Defence Cooperation bilang bahagi ng paghahanda sa ika-50 anibersaryo ng ugnayan ng Estados Unidos at ASEAN sa susunod na taon.
Kabilang sa mga posibleng saklaw ng framework ang pagsasagawa ng mga konkretong pagsasanay militar, pagpapahusay ng interoperability ng mga hukbong-dagat, at pagpapalakas ng maritime domain awareness sa rehiyon.
Samantala, pinuri rin ng Estados Unidos ang pamumuno ng ASEAN sa pagpapanatili ng tigil-putukan sa pagitan ng Thailand at Cambodia.
Inihayag din ng Washington ang kahandaang makipagtulungan sa Singapore, na inaasahang ieendorso bilang susunod na chair ng ADMM-Plus.










