
Kumpiyansa ang Malacañang na hindi makaaapekto sa pagdalo ng mga lider ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN sa nakatakdang summit sa Pilipinas ngayong Nobyembre ang mga naging pahayag ng China laban sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa lahat ng miyembro ng ASEAN at iba pang bansang maaaring makilahok sa summit. Aniya, batid ng mga lider ang pagsisikap ng pamahalaan na mapanatili ang maayos na ugnayan sa mga kasaping bansa.
Nauna nang inakusahan ni Zhang Xiaogang, tagapagsalita ng Chinese Ministry of National Defense, ang Pilipinas na umano’y sumisira sa diwa ng pagiging bukas ng ASEAN at sa lehitimong karapatan ng China bilang dialogue partner.
Nag-ugat ang pahayag sa insidente sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus, kung saan sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga dumating na defense ministers at kinatawan ng ibang bansa, ngunit hindi nito personal na sinalubong si Senior Captain Yang Lei, defense attaché ng China sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Castro na mas makabubuting dumalo si Chinese President Xi Jinping sa summit upang magkaroon ng pagkakataong mapag-usapan at maresolba ang mga isyung namamagitan sa mga bansa sa rehiyon.
Wala pa namang inilalabas na karagdagang detalye ang Palasyo kung pormal nang naimbitahan si Xi sa naturang pagtitipon. Sinabi ni Castro na hihingi muna siya ng kumpirmasyon mula sa Department of Foreign Affairs.
Matatandaang inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Xi na bumisita sa Pilipinas sa kanilang bilateral meeting sa Beijing noong Enero 2023, kung saan kabilang sa mga tinalakay ang usapin sa West Philippine Sea.









