
Tiniyak ng Malacañang na walang magiging pagtaas sa presyo ng 190 pangunahing bilihin at prime commodities na minomonitor ng Department of Trade and Industry (DTI) hanggang sa katapusan ng 2026.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DTI sa mga manufacturer at retailer upang matiyak ang sapat na suplay at mapanatiling abot-kaya at matatag ang presyo ng mga produktong sakop ng ahensya.
Nilinaw naman ni Castro na hindi kabilang sa listahan ng 190 produkto ang ilang brand ng de-latang sardinas na iniulat na nagtaas ng presyo.
Pinayuhan niya ang mga mamimili na pumili ng iba pang brand na pasok sa kanilang badyet at kabilang sa listahan ng DTI.
Patuloy rin ang pinagsamang price monitoring ng DTI at Department of Agriculture sa mga pamilihan upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang presyo.
Pinayuhan ang publiko na i-report ang anumang paglabag o hinaing sa DTI Hotline 1384 o sa mga email address na consumercare@dti.gov.ph at reporttosec@dti.gov.ph.










