Magpapatuloy ang paglakas ng hanging amihan sa malaking bahagi ng Luzon ngayong araw, na magdadala ng malamig na simoy ng hangin at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.

Inaasahang mararamdaman ang paglakas nito sa Northern at Central Luzon, gayundin sa Metro Manila at Calabarzon pagsapit ng tanghali hanggang hapon.

Mananatiling malakas ang amihan bukas bago unti-unting humina sa Miyerkules at Huwebes, kung saan Northern at Central Luzon na lamang ang pangunahing maaapektuhan.

Samantala, inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ngayong umaga ang Bagyong Cempaka, na tatawagin sa local name na bagyong Samuel kapag nakapasok na sa nasabing monitoring area.

Higit 1440KM naman ang layo ng sentro nito sa silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometro kada oras.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang naturang bagyo at inaasahan ding lalabas ito sa PAR bukas o araw ng Martes bago tuluyang lumayo sa Pilipinas.

Ngayong araw, makararanas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora at Quezon dahil sa amihan

Dahil sa amihan ay nararamdaman na natin ang malamig na simoy ng hangin lalo na dito sa Northern Luzon

Asahan naman ang kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang thunderstorms dahil pa rin sa amihan sa Bicol Region, Davao Oriental, Davao Occidental at Caraga.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, gayundin sa Visayas at malaking bahagi ng Mindanao, magiging bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan, maliban sa mga posibleng isolated rain showers at localized thunderstorms.

Wala namang gale warning na ipinatutupad ngayong araw, subalit pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat sa Northern Luzon na mag-ingat dahil sa katamtaman hanggang maalon na karagatan dulot ng amihan.