
Tiniyak ng bagong talagang District Collector ng Bureau of Customs (BOC) Port of Aparri ang pagsusulong ng mas mahigpit na border protection, pagpapalago ng lehitimong kalakalan at pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa ahensya.
Si Romulo “Leo” V. Arugay, tubong Tuguegarao City, ang itinalagang bagong pinuno ng BOC Port of Aparri. Mayroon siyang 30 taong karanasan sa serbisyo publiko.
Bilang bahagi ng kanyang mga prayoridad, layunin ni Arugay na matiyak ang pagtupad sa itinakdang revenue collection targets at mapanatili ang malinis, transparent at episyenteng serbisyo publiko.
Paiigtingin din nito ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno, gayundin ang pangangalaga sa kapakanan ng mga tauhan ng Customs.
Bago ang pagkakatalaga, nagsilbi siya sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Senado, Securities and Exchange Commission (SEC), Presidential Legislative Liaison Office at Department of Migrant Workers.
Naging Chairman din siya ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) noong Enero 2023 na may ranggong Secretary at nagsilbi sa posisyon sa loob ng dalawang taon.










